Pages

14 September 2004

Dalub-Tunog

DALUB-TUNOG
Robin Daniel Z. Rivera
14 Septyembre 2004
Anthropolohiya 297
Dr. Prospero Covar

Madalas akong tanungin kung ano ba talaga ang propesyon ko. Ang karaniwang sagot dito ay guro ako ng araling pansining sa Pamantasan ng Pilipinas. Subali’t bukod sa aking pagtuturo, alanganin palagi ang sagot ko. Sa ngayon, halos lahat ng aking tinatrabaho, inaaral, at pinag-uukulan ng pansin ay may kinalaman sa tunog. Unang-una, isa akong musiko. Ako’y umaawit, tumutugtog ng ilang instrumentong perkusyon, at lumilikha ng kumposisyong musikal. Pangalawa, namumuno ako sa pagtatala (o rekording) ng tunog at musika, bilang prodyuser. At noong sinimulan ko ang doktoradong pagaaral, nananaliksik din ako tungkol sa mga iba’t-ibang isyu ng tunog sa lipunan. 

Sa wikang Ingles, tila walang panglahatang salitang sumasakop sa iba’t-iba kong gawain. Napipilitan akong gumamit ng mga salitang mas angkop sa ispesialidad tuland ng recording producer, sound designer, audiophile, o sound professional. Lalong kapansin-pansin na wala terminong katutubong Pilipino para sa isang katulad ko. Kung kaya, naisip kong magbuo ng bagong pangngalan para sa akin, at sa mga tulad ko na gumagalaw sa larangan ng tunog.

HASA
Sa wikang Aleman, ang titulong Tonnmeister na karaniwang bibigay sa mga inhinyerong nakapagaral ng kursong sumasakop sa mga larangan ng akustika, elektronika, at arkitektura. Ang salitang ito ay tambalan ang mga salitang tonn na katumbas ng salitang tunog, at meister na katumbas ng salitang dalubhasa. Mapapansin sa pormulang ito na pinapaboran ang panghuling bahagi ng salitang dalubhasa. Ayon sa ilang diksiyonaryong Pilipino, ang kahulugan ng hasa ay:
ha.sà png 1: pagpapatalas ng patalim 2: pagsasanay upang maging bihasa. ; Pagsasanay upang maging bihasa ha.sâ pnr sanay
Kapansin-pansin din ang ugat na hasa sa salitang bihasa:
- bi.ha.sa png 1: tao na mahusay sa isang gawain : EKSPERTO, EXPERT, MAESTRO, GURO pr. 1. Mahusay dahil sa pagsasanay, 2. Nakagawian, nakahiratihan, nakawilihan 3. Nasa kalagayang naliliwanagan at maunlad, sibilisado, may kalinangan o kultura. - bi.ha.sa.hin, ma.bi.ha.sa, mag.pa.ka.bi.ha.sa pd pag.ka.bi.ha.sa png.
Kung susundin itong pormula ng pagtatambal sa mga salitang Pilipino na tunog at dalubhasa (lalo na ang salitang ugat na hasa), maaaring magkakaroon ng mga kombinasyon tulad ng:
1) tunog + dalubhasa = tunhasa
2) tunog + dalubhasa = tunohasa
3) tunog + dalubhasa = tunoghasa

PROBLEMA NG DALUB
Batay dito, wasto ang paggamit ng ugat na hasa sa mga salitang ito. Subali’t mas laganap ang paggamit ng dalub- sa salitang tambalang tumutukoy sa mga bihasa ng isang larangan, katulad ng:
- da.lub-si-ning png [dalubhasa+sining] 1: dalubhasa sa larangan ng sining 2: tao na may kakayahang maggawad ng mga pamumuna o hatol sa arte o sining; kritiko sa sining.
da.lub-turo png [ dalubhasa+turo] : eksperto sa pagtututo; mahusay na guro.
dalub-wika png [ dalubhasa+wika] 1: tao na dalubhasa sa iba’t ibang wika 2: tao na may sapat na kaalaman sa pinagmulan , uri, katangian, at pagunlad ng iba’t ibang wika:

LINGGUWISTA, PILOLOGO.
Kung ito ang susunding pormula, ang mabubuong salita ay dapat dalub-tunog. Ano na ang nangyari sa salitang ugat na hasa? At batay sa pagsusuri ko, wala namang natatanging salitang dalub. Ang pinakamalapit sa salita dito at dalubdob, subali’t malayo ang kahulugan nito sa kaalaman at pagsasanay.
da.lub.dob Png [Ilk] 1: pagkatusok ng daliri, hal kung nananahi 2: simpleng tahi Ang dalub- ay hindi rin masasabing isang anyo ng unlapi. Bagama’t malabo ang pinanggalingan ng dalub-, bakit ito ang pinili upang patibayin ang pagkadalubhasa ng isang tao sa anumang larangan?

ANG PAHAM AT PANTAS
Ang iba pang pangngalang tumutukoy sa bihasa ng isang larangan ay ang paham at pantas:
pa.ham png 1: tao na matalino; tao na bantog sa katalinuhan o sinansamba dahil sa pambihirang karunungan: PANTAS, SABYO, SAGE. 2: tapang ng alak at iba pang alkohol Png. Taong dalubhasa sa anumang uri ng karunungan; dalubhasa, pantas, eksperto, espesyalista.
pan.tas png taong dalubhasa sa karunungan. pr napakarunong, paham.
Bagama’t halos pareho ang kahulugan ng paham sa dalubhasa, hindi gaanong laganap ang paggamit ng mga salitang ito sa ngayon. Hindi rin laganap and paggamit nito sa salitang tambalan. Walang anuman, kung ikakabit ang salitang tunog sa pamamagitan ng (hyphen) ang resultang salita ay magiging paham-tunog at pantas-tunog.

PANGWAKAS AT PANIMULA
Maraming paraan ng pagbuo ng bagong termino o salita. Isa dito ang pagtambal ng mga kilalang salitang. Mas madaling ilunsad ang ganitong salita sapagkat alam na ng karamihan ang kahulugan ng indibidual na salitang-ugat, kung kaya mas maiintindihan ang konseptong nabubuo ng pagtatambal. Bagama’t kailangan pa ng mas masusing imbestigasyon para matiyak ang pinanggalingan ng dalub-, maaring gamitin ito katambal ng tunog ng walang pangamba dahil laganap ang paggamit ng pormulang ito sa pagkailala ng pagkabihasa sa isang larangan, at ang konsepto ng indibidual na salita. Bagama’t ako’y serioso sa hangad na makabuo ng sapat na salita, di ko maiwasang matuwa at matawa sa ginagawa ko. Minsan, naikwento ko kay Prop. Felipe De Leon Jr. (isang kapwa dalub-tunog) ang ginagawa kong ito. Bagama’t malalim niyang sinuri ang mga salitang binanggit ko, natuwa rin siya sapagkat nakaranas din siya ng suliranin ko. Napagkasunduan namin na ang pagtanggap ng bagong salita ay mangyayari lamang kapag may magsusulong nito. Maaari nang ashan na sa lahat ng pagkakataon, sisimulan ko na ang paggamit ng salitang dalub-tunog, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng kapwa kong gumagalaw sa larangan ng tunog.
 ------------
- Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, Diksyunaryo ng Wikang Filipino. Instructional Materials Corporation, (Metro Manila, Kagawaran ng Edukasyon Kultura at Isports), 293.
- Virgilio S. Almario (ed.), UP Diksiyonaryong Filipino. (Quezon City, Sentro ng Wikang Filipino, 2001), 320. Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, 293
- Virgilio S. Almario (ed.), 118. Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, 103.
- Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, 201. Virgilio S. Almario (ed.), 183
- Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, 201.
- Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, 201. Virgilio S. Almario (ed.), 183.
- Virgilio S. Almario (ed.), 631. Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, 687.
- Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, 689.