Pages

01 January 2002

MAKINAO
Disyembre 2001


Ang musika ng MAKINAO ay ginawa bilang sagot dalawang suliraning konseptual.

Noong dekada 1980, napagitna ako sa matinding alitan ng mga musiko tungkol sa makabagong teknolohiya. Sa isang dako, malawak ang takot sa halang ng mga musiko nang umiral ang systemang MIDI, at nawalan ng trabaho ang maraming manunugtog dahil mas mura ang paggawa ng musika gamit ang instrumentong elektronik tulad ng synthesizer, sampler, at drum machine. Sa kabilang dako naman, may mga musikong nalubog sa kagamitan, at naantala sa mga paraan ng pag-papaandar nito. Dahil sa alitan ng dalawang kampo, sobrang naging malambot ang musikang akustic, at tumigas naman ang musikang elektronik. Bagamat may nakapaglikha ng mga lunas, marami pa rin ang naiwang nakaipit sa dalawang kampo.

Ang pangalawang problema ay may kinalaman sa tradisyon. Sa Pilipinas, marami ang nagtangkang ipaghalo ang musikang katutubo sa musikang popular. Ngunit matindi ang inis ko sa karamihan ng gumagawa nito, sapagkat kapansin-pansin ang kababawan ng kanilang tambalan. Halimbawa, malimit ilinalagay lamang and katutubong instrumento sa pasakalye. Ngunit mabilis itong natatabunan kapag umandar na ang mga instrumentong popular tulad ng electric guitars, electronic keyboards, at drum set. Mayroon din mga nagpapanggap na “ethnic” sa pamamagitan ng mala-katutubong kasuotan. Dahil dito, nakakalungkot isipin na ang mga katutubong tradisyon ay pinagkakamalang walang saysay at dapat tabunan, at ang popular ay pinagkakamalang mas makabuluhan at dapat mangibabaw.

Malalim ang paniniwala ko na ang paglikha at dapat maging nakakalayang processo. Kaya sa MAKINAO, minarapat kong ipagsanib ang mga magkasalungaat na gawi. Dito ko nakamit ang kalayaang makapaglikha ng musikang taglay ang aking karanasan sa iba’t-ibang anyo at istilo ng musika, kakayahang gumamit ng angkop na teknolohiya, at paniniwala na pantay ang ugnayan ng nakaraan at ng kasalukuyan.

Sana maranasan nating lahat ang ganitong klaseng kalayaan, di lamang sa musika, kundi sa lahat ng malikhaing aspeto ng buhay.